Orihinal na ulat at sulat ni: PTOF Gen
Estorya ni: Ruth Ramoneda
Wow! Ang ganda ng Taiwan! Kamangha-manghang bansa! Ito ang iilan lang sa magagandang tugon ng ating kinapanayan na Filipino OFW na si Ruth. Siya ay galing sa isang simple ngunit masayang pamilya. Kapit bisig sila upang maitaguyod ang kanilang pamilya lalong- lalo na sa pag-aaral at sa kanyang lakas ng loob na pumunta sa ibang bansa, isa sa kanyang piniling puntahan ay Taiwan.
“Alam mo,sabi ni Ruth, ang ganda ng Taiwan! Napakabait ng mga tao kung ikokompara sa ibang bansa at talagang napakaligtas mula sa mga magnanakaw at iba pang mga kagimbal-gimbal na krimen.” Ito ang mga bagay na alam ni Ruth bago pa man napadpad sa naturang bansa. Parang sa isip niya, ang saya siguro dito. At dagdag pa ni Ruth, totoo nga naman talaga ang mga bagay na ito kase halimbawa sa gabi, pwede siyang maglakad mag-isa o umalis kahit late na, tapos nakakaraos naman kung sa trabaho ang pag-uusapan at masaya din siya sa sahod kung ikokompara sa Pilipinas.
Ang sahod nga ang pangunahing rason kung bakit napadpad si Ruth sa Taiwan kase ayon sa kanya patas naman ang binibigay na pambuwanang bayad sa mga empleyado. Maliban dito, mababa ang buwis na binabayaran. Sa Pilipinas, mahirap talaga ang buhay. Kahit pa isang propesyunal ay hindi nabubuhay sa kakapiranggot na sahod. Minsan pa nga ay hindi pa naibibigay sa akmang petsa. Paano na ang mga taong umaasa? Paano na ang kakainin araw-araw? Kumakalam ang tiyan ngunit kailangan magtrabaho. Para sa akin, isa si Ruth sa mga talentadong Pilipino ngunit napilitang makipagsapalaran sa banyagang bayan upang maging praktikal sa buhay. Ibig sabihin, aanhin niya ang posisyon at promosyon kung ang epekto naman ay gutom. Dagdag pa ni Ruth, ang swerte ng mga Taiwanese dahil maraming trabaho dito kaya mas konti lang ang mahirap dahil bawat tao may pinagkukunan o income. Sa layo ng nilakbay niya upang magtrabaho, isang magandang karanasan para sa kanya ang iba’t ibang klima dito sa Taiwan. Sa napakasayang tugon, sabi niya, ang ganda ng panahon ng Taiwan talaga! Dahil sa Pilipinas, buong taon mainit talaga. Siguro sa kalagitnaan ng taon may bagyo at pag-uulan na naging sanhi ng medyo mababang temperatura ngunit sa pang-araw-araw talagang 30-40 degrees ang init na humahalik sa balat. Habang dito naman, masarap ang simoy ng hangin lalo na’t malamig. Nakakapanibago talaga hindi lang siguro si Ruth ang may ganitong galak ako man ay nagpapasalamat dahil sa wakas, nararanasan ko din kung ano ang Four Seasons. Ang alam ko lang dati noong bata pa ako, picture frame na insik ang inspirasyon at may mga halaman na di ko mawari. Iyon pala’y iba’t ibang dahon o bulaklak na namumukadkad sa iba’t ibang panahon. Isa pang kanais nais na bagay dito ayun kay Ruth ay ang pagkain. Naisip ko nga, siguro pati ang “Stinky Tofu” ay gusto din niya. Matanong ko nga sa susunod naming pagkikita.
Taong 2002 nang unang nag-apply si Ruth papuntang Taiwan. Mabuti nga daw at hindi pa masyadong mahigpit ang pag-aayos ng mga dokumento noon kaya mabilis siyang nakahanap ng kompanya at agad din naman siyang nabigyan ng bisa. Noong unang dating niya dito noong Oktubre 2002 hanggang Pebrero 14, 2004, siya ay isang replacement lamang. Sa mga OFW, may mga tinatawag na replacement kung halimbawa ang naunang dumating ay kinailangang umuwi ng Pilipinas dahil sa sakit, sakuna, disgraya o problema sa trabaho. Kahit naman replacement siya, naging maganda ang kanyang mga ala-ala sa Taiwan. Malaking pasasalamat din niya noon dahil ang dati niyang trabaho bago nakatungtong dito ay Liaison officer sa Taiwan embassy mismo kaya kakilala niya ang consul ng TECO . Isa din itong inspirasyon na nakapagdesisyon siyang pumunta dito nang taon na iyon dahil sa nakikita niyang kabutihan sa mga Taiwanese na nakikilala niya at nakakasama araw araw.
Ika 26 ng Nobyembre 2013, ang pangalawang pagkakataon ni Ruth dito sa Taiwan. Siyam na taong pagitan. Ang tagal ding pinag-isipan ni Ruth kung babalik pa ba siya dito o hindi dahil kahit nga maganda ang kanyang mga karanasan dito, iba pa rin ang malapit sa pamilya. Ngunit, sa pagsasalaysay ni Ruth, hindi naging madali ang kanyang pagpunta dito noong 2013 dahil sa hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at Taiwan dahil sa di umanong pagpatay ng mga mangingisda sa Kaohsiung, ayun sa kanya, dapat nga Hunyo ng naturang taon siya dapat lumipad patungong Taiwan ngunit sa gulo at tensyon na namumuo sa dalawang bansa, nahirapan siyang pumunta at naharang ang kanyang paglipad. Sa katotohanan, nasali pa siya sa mga papaalis na mga Pilipino para Taiwan, sa isang panayam sa telebisyon na “24 Oras” sa estasyon ng GMA Network. Nakasama din niya ang isang congressman sa Pilipinas, si congressman Senerez na tinanong tungkol sa isyu sa buwan iyon ng Julyo noon. Sa pabirong tawa ni Ruth, sabi niya, namutla siya ng todo habang tinatanong ukol sa hidwaan. Ako man ay nagkaroon ng problema sa panahong ito dahil din sa isyu sa mga mangingisda. Sa parehong taon ang Philtai Organization ay nabigyan ng pundo upang maging kauna-unahang Pilipinong grupo para isagawa ang “WAI PO QIAO or A bridge to Home Project 2013” at naging malaking challenge para sa akin iyon dahil sa kinailangan kong patirahin ang aking mga Taiwanese na panauhin sa aking bahay at isang isyu na nila ang kaligtasan. gaya ni Ruth, nakapanayam din ako ng isang TV station noon, ABS CBN Tv Patrol, Radyo Patrol at napabalita din iyon sa Bandila. Buti na nga lang at hindi katulad kay Ruth, harap harapan, kaya kung namutla man, hindi rin halata. Ngunit malaking pasasalamat ng bawat isa sa atin, Pinoy man o hindi at naayos din ang gusot na ito. Sana ay mas maging maayos pa at matigil na ang ganitong mga kaganapan sa mga kapatid nating mangingisda.
At dahil nalaman ko na pangalawang beses na pala ni Ruth ang pagpunta niya dito sa Taiwan kaya tinanong ko siya kung ano ang masasabi niya sa bansang ito, at ano ang maaring pinagkaiba noong 2002, nang dumating siya noong 2013 at hanggang ngayon. Sambit niya na talagang napakaganda ng Taiwan. Wala siyang masabi sa pamamaraan nito sa paglilinis at disiplina. Walang pinagkaiba mula pa noong una niyang dating hanggang ngayon masaya at mabuti ang mga taong kanyang nakakasalamuha. Siguro kung may isang pagbabago ito ay ang sahod. Mas malaki at mataas na. Kaya para sa kanya mas naging mahal pa niya ang Taiwan.
Thank you Migrant’s Park for supporting the Filipinos:)
Thanks for your support Gen !