iStory: Sigaw Migrante “Sa Akin Magsisimula ang Pagbabago”

這篇文章打動您了嗎?按下小樹苗,單篇贊助這篇文章:)

Orihinal na ulat at sulat ni: PTFF Gen
Estorya ni: PTF Member Janine Jamea Lin

 

Ma! Ako na ani. Tabangan tika baligya. (Bisaya)
(Ma! Ako na po dito. Tulungan na po kita magtinda.)
Palit na mo! Presko pa ni kaayo ang among isda. (Bisaya)
(Bili na po kayo! Preskong presko pa po ang aming tindang isda.)

Ganito ang takbo ng buhay ni Janine mula bata hanggang High School. Matiyaga, matulungin at responsableng anak. Pito silang magkakapatid at siya ang pang-apat. Lumaki siyang nakatutok sa pamilya at nakaagapay sa kanyang pinakamamahal na ina. Napakasayang pakinggan ni “Nen” aka Janine habang nagkukuwento ng kanyang kabataan kaya naisip kong itanong agad kung ano ang nais niyang maging paglaki niya noon dahil hula ko baka nais niyang maging isang tanyag na “businesswoman” sa hinaharap.

Alam mo po sis Gen, wika ni Nen, Nais ko talaga sanang maging isang doktor ngunit dahil sa mahal ang tuition fee at iba pang kailanganin sa kursong ito kaya nang nag-aral ako sa Holy Cross of Davao College, pinili kong maging engineer. Kasama ko lage dati sa eskwela ay puro lalaki dahil Bachelor of Science of Electronics and Communications Engineering o BSECE ang aking natapos. Naging maayos, makwela, makulay at simple ang aking buhay kolehiyala. Habang nakikinig ako sa kwento, naisip kong itanong kung may kasintahan na ba si Janine ng panahong iyon, sabi niya ay wala. Kase noon pakiramdam niya, wala siyang swerte sa buhay pag-ibig sa Pilipinas. Wala pa din namang nagpatibok ng kanyang puso kaya naisip na lang niya baka taga-ibang bansa ang kanyang “destiny”.

13523960_10154100133375733_2077571878_o

Pagkatapos ng kolehiyo ay nakipagsapalaran si Janine sa Makati, Manila. Dito na siya nakapagtrabaho sa isang Taiwanese company kaya tinanong ko kung ano ang kanyang impression sa Taiwan bago pa man siya nakapagtrabaho sa naturang kompanya. “Para sa akin ang Taiwan ay isang mayaman at progresibong bansa. Parang ang sarap puntahan. Kase pangarap kong maglibot sa iba’t ibang sulok ng mundo”, tugon ni Nen. Ganito ang kanyang imahe sa Taiwan noong kabataan niya. Kaya, napilitan akong magtanong kung ano ang masasabi niya ukol sa Taiwan nang siya’y nakapagtrabaho na sa isang Taiwanese company na nakabase sa Pilipinas at nakakasalamuha na niya ang mga insik. “Strikto at dapat nakapokus sa trabaho. Ayaw ng mga Taiwanese ang nagsasayang ng oras. Dapat alerto at mabilis kumilos”, sabi ni Janine. Dagdag pa niya, isa itong magandang halimbawa para sa mga Pilipino sa ating bansa kase alam naman natin na marami sa ating mga empleyado ang nagdadaldalan, minsan nakikinig ng musika habang nagtatrabaho at kulang sa disiplina. Ito ang mga bagay na natutunan niya sa kompanyang iyon at baon-baon niya hanggang ngayon.

Sa sarap ng aming kwentuhan ay nabanggit niya na sa kompanyang iyon nahanap niya ang kanyang Mr. Right. Bilang engineer, isa sa responsibilidad niya ay ang pakikipagkomunikasyon sa manager ng kompanya na nakabase sa Taiwan.

13509373_10154100133385733_2069540108_o

“Ang gwapo! Parang ang cute ng manager sa picture”, ang kinikilig na tinig ni Janine. Tawagin na nating “Love at first sight at Destiny” kase parang itinadhana na kaming dalawa ay pinagtagpo. Si Chen, ang manager, ay naging partner ko pa para sa isang event ng company. Nakita ko siya first time sa airport, hinding-hindi ko makakalimutan kung gaano siya kakisig at liwanag dahil sa suot niyang dark na kulay. Tinukso ako ng mga kasamahan ko kase alam nilang type ko siya talaga kahit sa skype pa. HIndi ko inakalang, mas pogi pala siya sa personal na halos hindi ko nakilala. Ako’y napalunok sa nakakakilig na estorya nina Janine at Chen. Parang “Jadine” lang ang peg nilang mag-asawa. Kaya, tinanong ko si Janine kung paano nila natuklasan na mahal nila ang isa’t isa. Sinabi niya sa akin na, Day 3 pa lang ng kanilang company event ay nagpahayag na si Chen ng kanyang pagkagusto sa kanya. HIndi din niya pinahirapan dahil alam niya sa isip at puso niya na siya na ang Mr, Right sa buhay niya. Sa katunayan, nagkaroon si Janine ng “premonition” ilang gabi bago pa man ang kanilang event. Nakita niya sa kanyang panaginip ang isang lalaki, chinito, at magkasama sila sa tabing dagat. HIndi niya inakalang, magiging totoo ang panaginip na iyon. Tumindig ang aking balahibo habang nakikinig sa kanyang panaginip. SIguro nga, totoo ang kasabihan ng mga insik na “Kung ang dalawang tao ay “destined” para magkita at magsama, mayroong “invisible red string” na nakatali sa palakingkingan ng isa’t isa at gaano man katagal o kahaba ng prosesyon, magkikita at magtatagpo ang dalawang nilalang upang magsama habambuhay. Ang sarap ng ganitong mga pagtatagpo parang “fairytale” ngunit hindi rin naging madali ang lahat para sa kanila. Maraming tutol at maraming balakid ang kanilang nilampasan bago naging maayos ang kanilang pagsasama.

Chen, buntis ako. sabi ni Janine.
Janine, huwag kang mag-alala at pananagutan ko ang bunga ng ating pagmamahalan, sagot ni Chen.

13523687_10154100133380733_220644037_o

At ipinakilala nga si Janine ni Chen sa kanyang mga magulang. HIndi maayos ang pagtanggap noong simula dahil may baby na sa kanyang sinapupunan. Magkahalong takot, hiya at panliliit ang pakiramdam ni Janine. Ngunit ipinakita ni Chen na tunay ang kanilang pagmamahalan at hindi dahil sa pera o bisa ang kanilang relasyon. Masakit man isipin sis Gen, ika ni Nen, ngunit sa aking karanasan, marami talagang mga kababaihan sa atin na kumakapit sa patalim. Hindi ko rin masisisi ang pamilya at ibang mga Taiwanese na kakilala ni Chen kung pagisipan nila ako ng masama lalo pa’t nagkaroon kami ng anghel agad. Ngunit wala kahit konting pagsisisi sa aking puso dahil ginusto ko ang nangyari at may tiwala ako sa aming pag-ibig. Kaya sa awa ng Dios, maayos naman ang lahat sa akin at sa aking “in-laws”. Tinanggap nila ako ng buo at nakikita ko ang kanilang pagmamalasakit sa akin. Nang matapos niyang makwento ang buong pangyayari, naisip ko tuloy itanong kung ano ang kanyang impresyon sa Taiwan ngayon na nandito na siya nakatira at araw-araw na niyang nakikita ang mga lokal dito.

“Ang pinakagusto ko dito ay napaka-convenient talaga at numero uno sa kanila ang kalusugan”, ang mabilis na sagot ni Janine. Dagdag pa niya, medyo naninibago nga din siya sa pagkain kase sa Pilipinas, hindi naman talaga kailangan na kumain ng maraming gulay araw-araw. Ngunit, paminsan-minsan nalulungkot din siya kase dito hindi uso ang kapitbahay. Kahit masabay sa elevator, hindi nag-uusap o kahit Hi o Hello man lang. Nakakapanibago dahil sa Pilipinas maraming nakakausap at nakikilala. Kaya, naging emosyonal si Janine noong una at nagkaroon siya ng sobrang pagkalungkot at homesickness. Mahirap din humanap ng totoong kaibigan dito kaya hindi din siya agad nagtitiwala o nagkukwento dahil ayaw niya ng gulo at chismis. Kaya, halos bahay, anak at si Chen lang ang mundo niya sa loob ng mahigit apat na taon. Ang hirap. Nakakapanibago. Kaya ang payo niya talaga sa mga katulad niyang nakapagasawa o may kasintahan na Taiwanese ay kilalanin ang kultura at bansa. Para magiging handa sa hinaharap. Maaaring magkaroon ng depresyon ang isang tao sa lubhang pagkalungkot kaya may mga nagpapatiwakal dahil dito. HIndi rin magandang uminom o magdepende sa mga gamot dahil doble pa ang epekto nito sa katawan. Ito ang mga bagay na natutunan ni Janine habang tumatagal sa Taiwan.13530607_10154100133345733_439702584_n

Ipinahayag din ni Janine sa akin ang kaibahan ng kultura ng Taiwan at Pilipinas lalo na sa Kalinisan. Kaya, dapat talagang pag-aralan ng mabuti ang kaibahan upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan sa loob at labas ng bahay. Kaya tinanong ko si Janine kung ano ang kanyang nais mabago sa Taiwan. Una sabi niya, sa kabuonan, sana lalo sa Taipei, hindi na lang padaanin ang mga bus sa makikitid na daan kase talagang delikado. Natatakot din siyang lumabas at maglakad lalo may kasama siyang bata. Pangalawa, sana mas mapabuti pa ang paghahatid ng impormasyon sa mga bagong imigrante dahil ang hirap talaga kapag wala kang kakilala, wala talagang alam kung saan hihingi ng tulong o advice gaya ng mga kursong pwede pagaralan o trabaho.

Nang marinig ko ang salitang trabaho, napatanong ako bigla kay Janine kung ano ang masasabi niya tungkol sa paghahanap ng pangkabuhayan dito ng mga bagong imigrante. Sabi ni Janine, mahirap at talagang limitado dahil sa lenguahe kaya nananalangin siya na sana, makahanap siya ng kompanya na may kinalaman sa kanyang natapos na BSECE dahil hindi pa siya gaanong marunong mag Mandarin at alam niyang importante ito dito sa Taiwan. Kaya tinanong ko ulit si Janine kung ano ang maipapayo niya sa mga Pilipino dito sa Taiwan dahil nabanggit din niya n`a ramdam niya ang diskriminasyon ng mga insik sa ating lahi.

Halos lahat ang tingin sa mga Pilipino dito ay katulong, mahirap at maitim ang kulay ng balat. Kaya mariin na sabi ni Janine na sana ang bawat Pilipino dito ay marunong lumugar lalong lalo na sa pananalita. Sa Pilipinas, pwedeng sumigaw-sigaw o malakas ang boses, ngunit dapat dito, irespeto din ang mga pampublikong mga areas. Kase, nasa ibang bansa, ibang lahi at ibang kultura. Pangalawa, dapat presentable kahit saan man o anumang lugar pupunta dahil kung alam mong maayos ka tingnan, mas may confidence kang makihalobilo sa ibang tao at makikita nilang may angking talino din ang mga Pinoy. Panghuli, dapat aralin ang lenguahe dahil ito ang tulay upang mas maipahayag ng tama ang saloobin. Mangiyak-ngiyak ako sa saya nang narinig ko ang mga salitang ito galing kay Janine dahil ramdam ko din ang kanyang nais ipahiwatig sa aming mga kababayan. HIndi man lahat ngunit marami pa din ang mas nangangailangan ng pagbabago upang mas mapabuti ang imahe o reputasyon ng mga Pilipino dito sa Taiwan.

Kaya bilang pagtatapos wika ni Janine, ako man ay may pagkukulang din. Kaya “sisimulan ko ang Pagbabago sa aking sarili”. ANg mga payong ito ay hindi lamang para sa aking kapwa, ito’y aking batayan din upang lagi kong maalala na kung paano ko pinapahalagahan ang sarili ko ganon din ang isusukli ng ibang tao, ma Pilipino man o hindi.

—end—